Pagtugon sa Tawag ng Tungkulin o “Call to Active Duty”
Liham para sa Bayan
JAMES LAYUG MAGDALO
Marso 26, 2010
(Itinala sa selda A-2 AFP Custodial Center, Quezon City)
Sa Bayan kong Mahal,
15 taon na ang nakalilipas, March 04, 1995 ng ako ay nagtapos sa Philippine Military Academy. Tandang tanda ko pa ang pakiramdam ng iabot ni Pangulong FVR ang aking diploma at ang kaakibat na responsibilidad kasama nito. Ako ay tuwang-tuwa at excited na simulan at isakatuparan ang aking tungkulin na maglingkod sa bayan at maging taga-pagtanggol ng ating mamamayan.
Marami pong nangyari sa aking buhay militar mula noong panahong iyon may mabuti at may di gaanong mabuti ngunit sa pangkalahatan naging maganda at produktibo po ang aking buhay serbisyo. Ako po ay na destino sa iba’t ibang lugar, naki-salimuha sa iba’t iba nating mga kababayan, at nagkaroon ng oportunidad na marinig ang sari-saring hinaing ng ating mamamayan. Sa ganitong paraan ako po ay namulat sa katotohanan na malaki ang problema ng ating Bayan.
Kung kaya’t noong July 2003 ako po ay sumama sa Oakwood at muli noong November 2007 kami po ay nanindigan sa Manila Penn upang pigilan ang pagpapasasa ng isang rehimeng magnanakaw, mandaraya at manloloko na siyang nagbabaon sa kahirapan sa ating mga kababayan. Kami po ay nanawagan ng kaayusan sa ating mga lider di lamang para sa kapakanan natin ngunit para na rin sa kinabukasan ng susunod na henerasyon. Sa ganitong kadahilanan kami po ay ikinulong at tinangal sa serbisyo.
At doon po nagtapos ang yugto ng aking buhay militar. Ngunit hindi ang aking patriyotikong tungkuling maglingkod sa bayan. Kung kaya’t aking napag desisyunan na ialay muli ang aking serbisyo sa bayan at sa pagkakataong ito ay sa pamamagitan ng paglahok sa arena ng lehislatura.
Marami ang nagtatanong, “bakit ka lalahok sa pulitika?” Ako po ay lalahok sa pulitika ngayong halalan sa Mayo sa tatlong kadahilanan.
Una, upang ipagpatuloy ang aming mga ipinaglalabang adbokasiya noon sa Oakwood at isulong ang Bagong Pulitika. Isang pulitika na naka-angkla sa prinsipyo ng: Nationalismo o ang pagmamahal sa sariling lahi. Patriotismo o ang pag-ibig sa bayan. Idealismo o ang pagtindig sa katarungan at katotohanan. At Altruismo o ang palilingkod ng may malasakit sa kapwa.
Ikalawa, ako ay naniniwala na mas maipaglalaban ko ang interes ng residente ng 2nd district ng Taguig sapagka’t malaking bahagi nito ay binubuo ng military barrios. Bukod sa ako ay militar, ay anak din ako ng isang enlistedman kung kaya’t naiintindihan ko ang hirap na dinadaanan ng bawat pamilyang militar. Ang ibang sector naman tulad ng urban poor, labor, muslim community, at kabataan ay aking nakahalubilo at nakasalamuha sa aking paglaki sa naturang lugar kung kaya’t sila ay kaya kong bigyan boses sa lehislatura sa pamamagitan ng pagsulong ng mga sumusunod na adbokasiya; Good Governance, Social Equity, People Empowerment, Justice, Peace and Order, at Environmental Protection and Management.
Ang Ikatlo, ay dahil po sa Pag-asa, isang “Bagong Pag-asa.” Matapos ang Oakwood at ang pagka-panalo ni Sen Trillanes bilang senador ay itinali na ng marami nating kababayan ang kanilang pag-asa na makamit ang isang matino, malinis, at maayos na pamahalaan sa grupong “Magdalo.” Kung kaya ako po ay lalahok sa pulitika upang makatulong na maisakatuparan ang pag-asang ito.
Ang sunod na katanungan ng nakararami ay, “kaya mo bang manalo laban sa makinarya at salapi ng Trapo Politics?” Nuong una ay may agam-agam sa aking isip. Ngunit ngayong nakikita ko kayo at nadaramdaman ang maalab na pagsuporta ninyo, ang sagot ko po ay isang kampanteng, OO. Ang “Lakas ng nakakaisang Sambayanan” ang itatapat natin sa mga trapo. Sama-sama nating isusulong ang tunay pagbabago at sasagasaan natin ang anumang balakid na haharang sa atin upang makamit ang isang mapayapa, masagana at maunlad na bukas.
Sa araw na ito ako ay muling tumutugon sa tawag ng tungkulin o “Call to Active Duty”. At muli aking ini-aalay ang aking serbisyo sa sambayanan.
Ako po si LTSG JAMES ARANDILA LAYUG. Isang Magdalo. Isang Bagong Katipunero.
Mahaba man ang dilim. Malayo man ang umaga. Mahirap man ang maging paglalakbay. Sama-sama nating tatahakin ang landas patungong silangan upang salubungin ang bukangliwayway ng bagong pag-asa.
Mabuhay ang Pagbabago!
Mabuhay ang Sambayanang Pilipino!
(Sgd) LTSG JAMES LAYUG

